Skip to main content

Featured

Philippine History

Philippine Presidents The Philippines is both a democratic and a republican state. As a democracy, it allows citizens to participate in governance through regular elections and ensures civil liberties. As a republic, it has an elected head of state (the President) and representatives who govern on behalf of the people, following a constitution that outlines the structure of government and protects individual rights. Filipino Foods Filipino culture is deeply intertwined with its food, reflecting regional diversity and historical influences.   

Pamagat: Alamat ng Bundok Pinatubo


Tauhan:
  • Datu
  • Prinsesa Alindaya
  • Salamangkero
  • Prinsipe Malakas
Pinangyarihan:
  • Masinlok
Sa masaganang Kahariang Masinlok. Magandang umaga, maningning na sikat ng araw, sariwang hangin at lunti ang mga halaman sa paligid. Subalit ang kagandahan ng umaga ay hindi nakasiya sa Datu. Wala siyang madamang kaligayahan sa lahat ng namamalas.

Malungkot na nakapanungaw ang Datu. Nakatuon ang ma paningin sa bughaw na kabundukan. Nakakunot ang noo at tikom ang mga labi at napabuntong hinanga siya ng malalim.

“Malungkot na naman kayo, mahal na Datu,” narinig niya na turan ng isang konseho.

“Ikaw pala Tandang Limay, nalulungkot nga ako. Naalaala ko lang ang aking kabataan,” at nagbuntung-hininga muli. Humawak siya sa palababahan ng bintana.

“Nakita mo ba ang bundok na iyon?” nagtaas ng paningin ang Datu.

“Oo, aking Datu, ngunit ano ang kinalaman niyon sa inyong kalungkutan?” tanong ni Tandang Limay. Napag-usapan na ng “Konseho” ang napapansin nilang pagkamalungkutin ng Datu. Siya nga ang naatasang magsiyasat tungkol dito.

Doon ako sa mga bundok na iyon laging nangangaso. Natatandaan mo marahil na malimit akong mag-uwi ng baboy-ramo at usa sa aking ama at mahal ko sa buhay.

“Oo. Kayo nga mahal na Datu, ang kinikilalang pinakamagaling sa pana noon. Napabantog sa ibang kaharian ang inyong katangian sa pangangaso,” sang-ayon ni Tandang Limay.

“Iyan ang suliranin ko ngayon. Para bang gustong-gusto kong magawa uli ang mga bagay na iyon, ngunit napakatanda ko na upang pagbalikan ang kabundukang iyon. Napakalayo na ang mga pook na iyon para sa mahina kong katawan,” at muling nagbuntung-hininga ang Datu.

“Hindi na nga ninyo makakayanan ang maglakbay nang malayo. Ngunit maaari naman kayong magkaroon ng ibang libangan,” pasimula ni Tandang Limay.

“Bahagi na ng aking buhay ang pangangaso. Hindi na rin ako makadarama ng kasiyahan kung iba ang aking magiging aliwan,” malungkot na umiling ang Datu.

Naging usap-usapan sa buong kaharian ang suliranin ng Datu. Nabalita rin sa ilang bayan ang pagkamalungkutin ng Datu ng Masinlok.

Makalipas ang ilang araw, dumating sa palasyo ang isang salamangkero. Matanda na siya at mabalasik ang mukha. Malaki ang paghahangad niya na pakasalan si Prinsesa Alindaya, ang prinsesa ng Masinlok ngunit malaki rin ang pag-ayaw nito sa kanya.

Nagbigay ng kaukulang paggalang ang panauhin.

“May magandang panukala ako tungkol sa inyong suliranin kung inyong mamarapatin, mahal na Datu”, saad ng salamangkero.

“Sabihin mo at handa akong magbayad sa inyong kapaguran,” turing ng Datu.

“Magpapatubo ako ng isang bundok sa kapatagan ng Masinlok na malapit sa inyong palasyo para sa inyong pangangaso ipakasal lamang ninyo sa akin si Prinsesa Alindaya,” pahayag ng panauhin.

“Kung matutupad mo ang iyong sinabi ay ibibigay ko sa iyo ang kamay ng aking anak,” mabilis na pasiya ng Datu.

Madaling kumuha ng isang maliit na batumbuhay ang salamangkero. Ito’y parang isang batong mutya.

Itinanim niya itong tila isang binhin ng halaman. Biglang-biglang sumipot sa pinagtamnan ang isang maliit na puno. Tumaas nang tumaas iyon. Lumaki nang lumaki hanggang sa maging isang bundok.

“Aba, anong laking bundok! Di ba iyan tumubo sa itinanim na batong mutya ng salamangkero?” paksa ng usapan ng mga tao.

Samantala sa palasyo, iniluhang gayon na lamang ni Prinsesa Alindaya ang naging pasiya ng ama. Ipinagdamdam niya nang labis na tila siya ay isang bagay lamang na ipinagpalit sa isang bundok. At sa lalaki pa namang kanyang kinamumuhian. Laging lumuluha ang magandang prinsesa. Dahil rito nagkaroon siya ng malubhang karamdaman. 

Dumating ang araw na itinakda ng Datu sa pagkuha sa kanya ng salamangkero.

“Ikinalulungkot ko na hindi ko mapasasama sa iyo ang aking anak. May sakit ang mahal na prinsesa. Magbalik ka sa ibang araw,” saad ng Datu sa salamangkero.

Umuwing masamang-masama ang loob ng matanda. Galit na galit siya sa Datu. Sinapantaha niyang gusto na nitong sumira sa usapan. Nagulong gayon na lamang ang kanyang loob. Lagi niyang naiisip si Prinsesa Alindaya at ang kanyang kabiguan. Hindi niya napansing palaki nang palaki ang bundok. Ito’y kanyang nakaligtaan.

“Mahal na Datu, halos natatakpan na po ng bundok ang buong kapatagan. Malapit na pong humangga ang bundok sa tabing-dagat. Wala na pong matitirhan ang mga tao,” sumbong ng matatanda sa Datu.

“Hulihin ngayon din ang salamangkero. Putulan siya ng ulo. Lubhang nakapipinsala sa kaharian ang bundok na pinatubo niya,” mabalasik na utos ng hari. Natakot siya sa maaring mangyari sa kaharian.

Namatay ang salamangkero ngunit patuloy pa rin sa paglaki ang bundok. Araw-araw ay pataas ito nang pataas na lalong ikinabahala ng mga tao. Walang maisipang gawin ang Datu. Palubha nang palubha ang suliranin.

Nakaabot ang balita hanggang sa malalayong kaharian. Nakarating iyon sa pandinig ni Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Balita siya sa taglay na lakas at kabutihang loob. Agad siyang naglakbay patungong Masinlok. Humarap sa Datu ang matikas na prinsipe.

“Nakalaan sa inyo ang aking paglilikod, mahal na Datu,” magalang na badya niya.

“Nakalaan akong magbigay ng kaukulang gantimpala. Humiling ka kahit anong bagay kapag nagtagumpay ka. Lunasan mo ang suliranin ng kaharian, Prinsipe ng Pangasinan,” pahayag ng Datu.

Wala po akong hinihintay na gantimpala, aking Datu. Humayo na tayo na sa labas.

Si Alindaya na noo’y magaling na ay naganyak sa tinig ng panauhin. Sumilip siya sa siwang ng pintuan. Malakas na malakas ang pitlag ng puso ng dalaga.

Nanaog ang Datu pati ang prinsipe. Madali nilang sinapit ang paanan ng bundok.

Sa isang kisapmata, binunot ng prinsipe ang bundok. Parang pagbunot lamang ng isang maliit na punong-kahoy. At sa isang iglap din, ipinatong niya iyon sa kanyang likod na walang iniwan sa pagbalikat ng tinudlang baboy-ramo. Mabilis din siyang humakbang na papalayo at ihinagis ang bundok sa lugal na kinaroroonan nito ngayon.

Bumalik ang prinsipe at ang Datu sa palasyo sa gitna ng pagbubunying mga tao. Galak na galak ang kaharian. Pagdating sa palasyo, niyakap ng Datu ang prinsipe. Iniutos niya ang malaking pagdiriwang para sa karangalan ng prinsipe noon ding gabing iyon.

Doon nya nakilala ang Prinsesa at nahumaling sya rito. Hiniling ng Prinsipe ang kamay ng Prinsesa at sila ay kinasal.

Samantala, ang guwang na nilikha ng pagkabunot sa bundok ay napuno ng tubig ito’y naging isang lawa.

Naging maganda at matulain ang lawang ito na tinawag ng mga tao na Lawa ni Alindaya sapagkat nagpapagunita ng kagandahan ng prinsesa at ng pag-ibig niyang siyang dahilan ng pagkakaron ng Bundok na Pinatubo.

Comments

Popular Posts